-- Advertisements --

Proseso ng hatian ng mga magkakapatid sa ancestral house ng namayapang mga magulang, ipinaliwanag ng isang abogado
Unread post by bombodagupan » Fri Aug 25, 2023 6:59 amBOMBO DAGUPAN – Ipinaliwanag ng isang abogado na maliban sa pagkunsulta sa mga kinauukulan patungkol sa hatian ng mga magkakapatid sa lupa at ari-arian ng kanilang mga magulang, dapat na magpresinta ang mga ito ng papeles sa kanilang pinagkakatiwalaang abogado.

Ayon kay Atty. Joey Tamayo, ang co-host ng programang Duralex Sed Lex, kung acestral house naman aniya ang pinag-uusapan sakaling pumanaw na ang kanilang mga magulang at may nakatalaga nang kukuha nito, wala na aniyang problema.

Ngunit kung walang testamento o nakasulat na bilin ang mga namayapang magulang, lahat aniya ng mga anak ay karapat-dapat na magkaroon ng parte sa ancestral house.

Depende aniya sa mapagkakasunduan ng mga magkakapatid dahil maaari rin aniya nilang ibenta ang lupain at ari-arian ng kanilang mga magulang at paghati-hatian ang pera.

Dagdag pa ni Tamayo na ayon sa batas, kung namatay ang ama at ina, ang magmamana ng kanilang mga ari-arian ay ang mga anak.

Kapag namatay naman ang ama at buhay ang ina at ang kanilang mga anak, ang parte ng mana ng ina ay pareho sa manang makukuha ng kanilang mga anak.

Subalit kung patungkol sa ancestral house ang paghahati-hatian lalo pa at hindi naman ito kalakihan, nangangailangan na lamang aniya ng pag-uusap sa pagitan ng mga tagapagmana upang maiwasan ang awayan at hindi na umabot pa sa hukuman dahil mas malaki aniya ang kanilang magagastos kung humantong pa dito.

Dalawang klase ng hatian sa labas ng hukuman, una kung hindi nakapagsundo at walang napirmahan na hatian sa harap ng isang abogado, isa hanggang tatlong magkakapatid ay pwedeng humiling sa hukuman na hatiin ng pare-parehas ang kanilang parte.

Samantala kung ayaw naman aniyang ibenta ng mga magkakapatid ang ancestral house at kung lahat naman sila ay nagkasundong manirahan lahat doon, wala naman aniyang problema.
Ibig lamang sabihin nito, lahat sila ang magsisilbing may-ari ng bahay.

May iba pa naman aniyang proseso kung sakaling mamatay ang isang kapatid, ang kaniyang parte nito ay mapupunta sa anak ng kanilang kapatid na namayapa.