Opisyal nang gaganapin sa Pilipinas ang 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships mula Nobyembre 20 hanggang 24 ngayong taon. Ito ay matapos italaga ng FIG Executive Committee ang bansa bilang host ng paligsahan.
Ayon kay FIG President Morinari Watanabe, malaking bagay na ang parehong junior at senior world championships ngayong taon ay gaganapin sa mga bansang ngayon pa lamang magiging host ng isang world championship.
Ipinahayag naman ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) President Cynthia Carrion ang labis na pasasalamat ng bansa: “It is the very first time that the FIG has given us this honor,” aniya. Nangako siyang pagsusumikapan ng GAP na maging matagumpay ang event.
Pinasigla rin ng double gold medal win ni Carlos Yulo sa 2024 Paris Olympics ang interes ng mga Pilipino sa artistic gymnastics, dahilan upang mas maging makabuluhan ang pagho-host ng Pilipinas sa international tournament.
Samantala lalahukan ng men’s at women’s artistic gymnastics ang inaasahang tournament sa bansa na magiging inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino sa larangan ng gymnastics.