-- Advertisements --

Kinuwestion ni Mamamayang Liberal Party List Rep-elect Leila De Lima ang ang pagiging patas ng ilang senator-judges sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, lalo na’t may ilan sa kanila na hayagang nagpapakita ng pagkiling at dapat isaalang-alang ang kusang pag-inhibit sa pagdinig.

Ayon sa dating Senadora ang aksiyon ng ilang senator-judges ay malinaw at may legal na basehan kaugnay sa mga pahayag at kilos ng mga ito na nagpapakita ng pagkiling kay Duterte.

Ginawa ni De Lima ang pahayag habang binabanggit ang kilos ng ilang senador na hayagang nagpahayag ng suporta kay Duterte at nakasama pa ito sa mga biyahe sa ibang bansa sa kasagsagan ng impeachment proceedings.

Tinukoy niya sina Senador Imee Marcos at Robin Padilla na sinamahan pa umano si Bise Presidente Duterte sa Kuala Lumpur kahit alam nila na bahagi sila ng Senate impeachment court.

Lumutang ang isyu kasunod ng batikos mula sa mga sektor ng civil society, mga legal expert, at akademya matapos maghain si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng mosyon para ibasura ang impeachment case.

Giit ni De Lima, ang ilang senador ay tila mas kumikilos bilang tagapagtanggol kaysa tagahatol, dahil sa mga pahayag nila na kampi sa panig ng depensa.

Nilinaw ni De Lima na walang kapangyarihan ang prosekusyon na pilitin ang isang senator-judge na mag-inhibit.

Gayunman, iginiit niyang ang mga kilos ng ilang senador tulad ng pagbibigay ng public support kay Duterte bilang susunod na pangulo ay malinaw na paglabag sa dapat na asal para sa isang hukom.

Ayon pa kay De Lima, nakasalalay sa konsensiya at asal ng isang senador kung siya’y magpapakita ng delicadeza o paggalang sa angkop na gawi ng isang hukom.

Nang tanungin ukol sa pananaw ng publiko sa nalalapit na paglilitis, iginiit ni De Lima na may karapatan ang mamamayan na malaman ang buong katotohanan, at hindi ito dapat ipagkait sa publiko