Kumpiyansa ang house prosecution panel na magiging patas at walang kinikilingan ang mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay house prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inaasahan nilang susundin ng mga senator-judge ang mga patakaran ng impeachment court at igagalang ang proseso.
Binigyang-diin din ng prosecution ang kahalagahan ng personal na pagdalo ng mga senator-judge sa mga pagdinig.
Anila, mas makatutulong ito upang direktang makita at marinig ang mga testigo at masuri ang kanilang mga pahayag, kilos at paraan ng pagsagot.
Samantala, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na nanumpa ang mga senator-judge na magiging politically impartial o walang kinikilingan sa paghatol.
Ayon sa prosecution, dapat ibatay ng mga senator-judge ang kanilang magiging desisyon sa batas, ebidensyang iniharap at mga personal nilang naobserbahan sa paglilitis, at hindi sa mga konsiderasyong pulitikal.
Gayunman, nilinaw ng prosecution na hindi nila hinihingi na pilitin ng presiding officer ang mga senador na dumalo nang personal, dahil nasa kapangyarihan pa rin ng impeachment court ang usapin ng kanilang pagdalo.
















