Inilunsad ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang waste diversion initiative kung saan ang mga residente ng Metro Manila ay maaring ipagpalit sa groceries ang kanilang mga natipon na basura.
Sa ganitong paraan ay umaasa si MMDA chairman Benhur Abalos na matuturuan ang mga lider sa barangay pati na rin ang mga residente sa kung paano mabawasan ng mga ito ang kanilang mga basura at para hindi rin basta itapon lamang ng mga ito sa kung saan-saan lang.
Sa pamamagitan ng Mobile Materials Recovery Facility (MMRF), maaring ipagpalit ng mga residente sa grocery tulad ng canned goods, instant noodles, bigas, at iba pa ang kanilang mga natipon na recyclable materials.
Sa ilalim ng programa, maaring i-surrender ng mga residente ang mga items tulad ng cartons, bote, papel, tin cans, at iba pa sa kanila namang barangay para sa MMRF collection.
Makakalikom din ng puntos ang bawat residente na maari namang gamitin sa pag-redeem ng grocery items tuwing mayroong scheduled MMRF market day.
Ang mga malilikom at mare-redeem na points ng bawat participating recident ay ire-record sa kanilang Ecosavers Passbook.