-- Advertisements --

Natapos na ang quarantine period ng mga experts mula World Health Organization (WHO) na magsasagawa ng on-the-ground investigation upang malaman kung papaano nagsimula ang coronavirus pandemic sa Wuhan, China.

Dumating ang 13 eksperto na ito sa Wuhan noong Enero 14 at kaagad silang sumailalim sa two-weeks quarantine alinsunod na rin sa umiiral na health protocol sa China.

Habang naka-quarantine ay tuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng mga ito sa bawat isa at maging sa mga Chinese scientists upang ibahagi ang mga impormasyon na mayroon sila.

Magbabase kasi ang mga ito sa mga ebidensya na ibinigay sa kanila ng mga Chinese officials.

Nakatakda rin silang magtungo sa mga research institutes, ospital at seafood market na may kaugnayan sa initial outbreak.

Ngayong araw lamang ay nakalabas na ang mga ito mula sa kanilang hotel at kaagad na sumakay sa isang bus ngunit walang impormasyon na inilabas sa media kung saan patungo ang mga ito.

Una nang isiniwalat ng WHO na muntikang hindi papasukin sa China ang kanilang probe team pero giit ng Beijing na hindi lamang nagkaroon ng pagkakaintindihan sa pagitan ng mga ito.

Napag-alaman na kumalat noong 2019 sa Wuhan ang coronavirus disease subalit hindi kaagad inamin ng China kung saan nanggaling ang nakamamatay na sakit.