-- Advertisements --

Nais ngayon ni Probinsyano Ako party-list Rep. Jose “Bonito” Singson Jr. na palawigin pa ang probationary period ng isang empleyado mula anim na buwan hanggang sa dalawang taon.

Sa kanyang inihaing House Bill 4802, sinabi ni Singson na hindi sapat ang anim na buwan na probationary employment period na itinatakda ng Labor Code para matukoy kung ang isang empleyado ay qualified para sa regularization sa isang trabaho.

Partikular na tinukoy ni Singson ang mga posisyon kung saan required ang pagkakaroon ng specialized skills at talents.

Dahil dito, iginiit ng kongresista na nalilimitahan ang karapatan ng isang employer na makakuha ng mga “quality employees.”

“Considering the advent of technological advances in various industries, the probationary employees must undergo a series of developmental training and assessment to ascertain their ability to do the job,” ani Singson.

“In every stage of the development, the probationary employee must satisfy a set of standards to qualify. These processes demand more time, which in a lot of cases takes more than six months,” dagdag pa nito.

Paliwanag ni Singson, sa pagpapalawig ng probationary employment period ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na patunayan ang kanilang kahalagahan sa employer.

Sa ngayon, pending pa ang panukalang ito sa House Committee on Labor and Employment.