-- Advertisements --

Muling nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) kaugnay ng bagong modus na tinatawag na “SMiShing.”

Ayon kay NPC Chairman Raymund Liboro, ang SMiShing ay isang uri ng phishing o pagnanakaw ng impormasyon sa pamamagitan ng text messages.

Paliwanag ni Liboro, hindi na raw gumagamit ng puwersa ang mga hackers sa SmiShing dahil ang biktima mismo ang magbibigay ng impormasyon sa mga hackers.

Aniya, may mga link umanong ipapadala ang mga hackers na puwedeng i-click at mabubuksan ito sa isang website.

Sa naturang website ay puwedeng tanungin ng mga hackers ang impormasyon ng isang indibidwal gaya ng bank account number, mga password na siyang magdudulot ng sari-saring problema.

Kaya naman, payo ni Liboro na kapag nakakita raw ng mga ganitong modus sa internet ay huwag itong i-click at agad i-block para hindi makuha ang impormasyon.

Sa ngayon, nagsagawa na umano ang NPC ng mga seminars at ipinatawag na nila ang mga data protection officers para paalalahanan na protektahan ang personal data ng mga mamamayan.