-- Advertisements --

NAGA CITY – Mahaharap sa multang aabot sa P5,000 hanggang P150,000 ang babayaran ng sinuman na lalabag sa ipinatupad na price freeze ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ito ay kaugnay ng ipinatupad na state of calamity sa buong Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Ablan, tagapagsalita ng DTI-Camarines Sur, sinabi nitong batay sa price ac,t tatagal umano ito ng 60 araw maliban na lamang kung i-lift ng mas maaga.

Sa kabila nito, nilinaw ni Ablan na basic necessities lamang ang nakapasailalim sa price freeze kung saan hindi maaaring gumalaw ang presyo kahit ilang porsiyento.

Aniya hindi dito kasama ang mga prime commodities ngunit kailangan pa rin umanong sundin ang suggested retail price.

Dagdag pa dito, mahigpit aniya ang ginagawang monitoring ng ahensiya kung saan nagtalaga sila ng mga monitoring team para tingnan ang mga presyo ng produkto.

Samantala, sinabi pa ni Ablan na ang pagmomonitor na isinasagawa ng DTI ay hindi lamang dahil nasa state of Calamity ang Luzon kung hindi ay dahil ito umano ang kanilang trabaho.

Sa kabila nito, katulong din aniya ng ahensiya sa monitoring ang Department of Agriculture (DA), National Meat Inspection Service (NMIS), Department of Environment and Natural Resources, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) gayundin ang Departmnent of Health (DoH) at Food and Drug Administration (FDA).

Sa ngayon, panawagan nito na maging mapanuri ang mga consumers sa presyo ng mga bilihin at kung sobra umano ay pwedeng magreklamo sa naturang ahensiya.