LEGAZPI CITY – Nananawagan ang grupo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa pamahalaan na magpatupad ng price ceiling para sa mga produktong isda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PAMALAKAYA national chairperson Fernando Hicap, mas mapapababa aniya ang presyo ng mga isda sa pamamagitan ng pagpapatupad ng naturang hakbang.
Tinatayang umaabot kasi sa P280 mula sa dating P160 ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa mga pamilihan.
Ayon kay Hicap, hindi kakulangan ng suplay ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng isda kundi ang maraming dinadaanan na “middle man” mula sa farm gate.
Kung susumahin, umaabot lamang sa P60 kada kilo ang kuha sa farm gate subalit dahil sa dami ng nananamantala, pagdating sa pamilihan ay lumolobo na ang presyo.
Iminumungkahi ni Hicap sa Department of Agriculture na direkta nilang bilhin sa mga lokal na mangingisda upang mapababa ang presyuhan sa pamilihan.
Posible aniya na masolusyunan ang mataas na presyo ng isda sa pamilihan kung bibigyang pansin ng pamahalaan ng mga locally produced na isda, kaysa ang pinaplanong importasyon na lalong magpapahirap sa mga Pilipino.