-- Advertisements --

Sisimulan na ng The Land Transportation Office (LTO) ang pagsita sa mga driving schools na hindi susunod sa itinakdang price caps.

Simula kasi ngayong Abril 15 ay itinakda ni LTO chief Jay Art Tugade ang implementasyon ng nasabing memorandum na nagbibigay ng maximum prescribe rates para sa mga theoretical at practical driving courses.

Nagbunsod ang nasabing paglalabas ng memorandum matapos na makatanggap ng reklamo dahil sa sobrang paninigil ng mga driving schools.

Nakasaad sa Memorandum Circular 2023-2390 ng LTO na mayroong P1,000 na singil lang dapat ang mga driving schools para sa mga theoretical driving courses sa motorsiklo at four-wheeled na mga sasakyan.

Habang ang practical course ay mayroong maximum fee na P2,500 para sa mga motorsiklo hanggang P4,000 para sa mga light vehicles at P8,000 naman sa mga heavy vehicles gaya ng buses, truck at kahalintulad na sasakyan.

Pagtitiyak ni Tugade na kanilang papatawan ng kaukulang parusa ang mga driving schools na lalabag kung saan mayroong P50,000 at anim na buwang suspensiyon para sa first offense habang P100,000 na multa at isang taon na suspension para sa ikalawang paglabag at pagtanggal ng lisensiya para mag-operate kapag lumabag pa ito ng pangatlong beses.