-- Advertisements --

Papalawigin pa ng Department of Agriculture (DA) ang implementation ng price cap para sa karne ng baboy at manok ng hanggang sa susunod na buwan.

Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, tatagal pa ng hanggang Abril 8, 2021 ang price ceiling para sa karne ng baboy at manok.

Naniniwala si Dar na kung aalisin na sa panahon na ito ang price cap ay tataas ulit ang presyo ng karne ng baboy at manok, lalo pa ngayon at hindi pa rin humuhupa ang krisis na dulot ng African swine fever.

Noong nakaraang buwan, ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang price cap para sa kasim at pigue sa P270 kada kilo, P300 sa kada kilo ng liempo at P160 naman para sa dressed chicken.

Gayunman, sa kabila ng price cap, ang infaltion sa bansa ay sumirit sa 26-month high sa unang mga buwan ng 2021, matapos na maitala ang 4.7 percent noong Pebrero at 4.2 percent naman noong Enero, na halos doble ng 2.6 percent noong nakaraang taon.