Maaaring pumalo umano sa P100 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo kung magtutuluy-tuloy ang umento nito kada linggo.
Ayon sa pag-amin ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Gerardo Erquiza Jr., na posibleng umakyat sa P100 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo subalit hindi ito mangyayari sa loob ng isang linggo lamang.
Paliwanag ng opisyal, hindi aabot sa P100 kung base sa isang dramatic extreme na kadahilanan lamang gaya ng bigla na lamang na aangat at tataas ang presyo pero kung tuluy-tuloy bawat araw o bawat linggo ay posibleng tumaas.
Una rito, inanunsiyo ng mga kompaniya ng langis ang panibagong umento sa presyo ng mga produktong petrolyo epektibo ngayong Martes.
May taas na P0.80 kada litro para sa gasolina, P3.10per liter para sa diesel at P1.70 bawat litro sa kerosene.
Samantala batay sa abiso ng Petro Gazz, ipapatupad nila ang price increase sa Martes ng alas-6:00 ng umaga, gayundin ang PTT Philippines, Pilipinas Shell at Sea Oil.
Ang Clean Fuel naman ay dakong alas-8:01 ng umaga ng Martes ang taas nila sa presyo ng produktong langis.
Gayunman ang Caltex Philippines ay mas maaga ang implementasyon ng oil price increase na isasagawa pagsapit ng alas-12:01 ng madaling araw nitong Martes.