-- Advertisements --

Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) na bantayan ang presyo ng mga maituturing na COVID-19 therapeutic drugs.

Dapat na i-regulate na aniya ng DOH at DTI ang presyo ng mga medesinang ginagamit ng mga doktor sa paggamot sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 habang wala pang bakuna o lunas sa sakit na ito.

Kabilang sa mga gamot na dapat aniyang mababaan ang presyo ay ang remdesivir, hydroxychloroquine, dexamethasone, at ivermectin matapos na tumaas ang halaga nito ng 12 beses.

Sa katunayan, ang isa aniya sa mga gamot na ito ay nagkakahalaga ng P60,000 kada isa.

Bagama’t base sa mga testimonya ng mga doktor sa iba’t ibang panig ng mundo ay nakakatulong ang mga gamot na ito sa kalagayan ng mga COVID-19 patients, sinabi ni Castelo na sa kasalukuyang presyo ay hindi ito kayang bilhin ng mga ordinaryong mamamayan.

Sa oras na mapababa ang presyo ng naturang mga gamot, naniniwala si Castelo na maraming mahihirap ang matutulungan at makakatipid din sa pondo ng PhilHealth, na sumasagot sa treatment at hospitalization ng COVID-19 patients.