-- Advertisements --

Inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay na mas mababa na ang presyo ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test para sa lungsod ng Makati.

Mula kasi sa orihinal na presyo nito na aabot ng halos P8,000 ay maaari nang sumailalim sa COVID-19 test ang sinomang residente, business establishments at iba pang pampribadong kumpanya sa Makati sa halagang P2,950.

Ayon sa alkalde, nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Makati sa mga pampublikong ospital at ilang private testing laboratories para magkaroon ng access ang maraming residente at establisimyento sa mas mabilis na COVID-19 test.

Layunin aniya ng hakbang na ito na makapagbigay ng agarang medical treatment sa lahat ng kumpirmadong kaso ng deadly virus.

Dagdag pa ni Mayor Binay, matagal na siyang naniniwala sa mass testing bilang isa sa mga paraan upang pigilan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease. Una pa lang aniya ay naghahanap na ang Makati ng mga paraan upang dalhin ang COVID-19 tests sa mga empleyado at residete lalo na sa mga vulnerable sectors ng lipunan.

Maituturing kasi na gold standard ang real time RT-PCR test para sa coronavirus na ginagawa sa pamamagitan ng pagkuha ng swab samples.

Pwede nang mag-avail ng pooled testing ng COVID-19 ang mga business owners at pampribadong kumpanya sa halagang P1,000 kada empleyado.