Tumaas nang P3 ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ayon sa mga nagtitinda, may patong na P10 hanggang P30 ang bawat kaban ng mga biyahero dahil nagtaas umano ang farm gate price ng mga magsasaka.
Epekto rin ito ng sunod-sunod na oil price hike noong mga nakaraang linggo.
Nasa P38 hanggang P40 ang kada kilo ng regular milled na bigas, P42 sa well milled, habang P46 hanggang P50 naman sa premium o special na bigas.
Napag-alaman na sa report ng United States Department of Agriculture, inaasahang papalo sa 3.1 million metric tons ang aangkating bigas ng Pilipinas para sa 2022 at 2023, mas mataas ng 100,000 metric tons sa nauna nitong projection.
Sa datos naman ng Philippine Statistics Authority, bumaba ng 20,000 metric ang produksiyon ng bigas noong Enero hanggang Marso ngayong taon kompara noong 2021.
Tumaas naman ito ng 60,000 metric tons noong Abril hanggang Hunyo.