Posibleng magkaroon ng pagtaas ng presyo ng bigas ng kada P5 kada kilo sa mga susunod na araw.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) ito ay dahil sa mataas na presyo ng palay at ang pagkakaroon na ng mababang buffer stock ng bansa.
Umaabot na ngayon sa P23 kada kilo ang presyo ng palay na mas mataas sa P19 na procurement ng National Food Authority (NFA).
Naging mababa rin aniya ang government at commercial inventory ng buffer stock ng bigas.
Sa normal kasi ay nasa 90 araw ang buffer stock subalit ngayon ay nasa 51 araw na lamang dahil sa kakaunti ang bilang ng mga imported na bigas.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez na magkakaroon ng epekto ang pagtaas ng presyo sa mga sakahan kaya tataas ang presyo sa mga pamilihan.
Pagtitiyak nito na gumagawa na ng paraan ang DA para mapigilan ang nasabing pagtaas ng presyo ng bigas.
Base sa mga pinakahuling price monitoring ng DA ay nasa P34-P40 ang presyo ng kada kilo ng regular milled; P39-46 ang presyo ng Well milled; P42-49 ang premium at P48-60 ang special.