Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng pagpalo ng presyo ng bigas at iba pang pangunahing pagkain pagsapit ng buwan ng Agosto, sa kabila ng pagtitiyak na sapat ang suplay ng bansa sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang nakaambang pagtaas ng presyo ay direktang epekto ng patuloy na pagsirit ng halaga ng langis sa pandaigdigang merkado na pinalala pa ng tensyon sa Middle East.
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi maiiwasan ang pagmahal ng mga bilihin kung magtutuloy-tuloy ang krisis. Ito ay dahil awtomatikong tataas din ang gastos sa pataba, transportasyon, at logistics na papasanin ng sektor ng agrikultura.
Sa kabila ng babalang ito sa presyuhan, nilinaw ng DA na nananatiling matatag ang pangkalahatang suplay ng bigas sa merkado.
Sapat din umano ang hawak na buffer stock ng National Food Authority (NFA) sakaling kailanganin.
Samantala, bilang hakbang upang maibsan ang pasanin sa tumataas na gastos sa produksyon, tiniyak ng pamahalaan na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng subsidy o tulong pinansyal para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
















