-- Advertisements --

Inabot ng Overtime ang Preseason Match ng San Antonio Spurs at Utah Jazz ngayong Oktubre 11

Inabot ng overtime ang preseason match sa pagitan ng San Antonio Spurs at Utah Jazz ngayong araw, Oktubre 11.

Naging dikit ang laban mula sa simula, at ilang ulit na nagpalitan ng lamang ang dalawang koponan sa kasagsagan ng laro hanggang sa nagtapos ang ika-apat na quarter sa iskor na tabla, 122-all.

Pagpasok ng overtime, agad nagpakawala ng magkasunod na 2-point shots ang Spurs at nakuha ang 4-point lead.

Mistulang nahirapan ang Jazz sa opensa pagpasok ng OT. Sa loob ng apat na minuto, dalawang puntos lamang ang naipasok ng koponan habang walong puntos na ang naitala ng kalaban.

Pinilit pang bumangon ng Jazz sa huling minuto ngunit anim na puntos lamang ang naihabol nito sa pagtatapos ng overtime. Natapos ang laban sa iskor na 134–130, pabor sa Spurs.

Bagaman 16 minuto lamang naglaro si San Antonio bigman Victor Wembanyama, nagawa niyang magtala ng 22 puntos at pitong rebounds. Bigtime performance din ang ipinakita ng bagitong bench player na si David Jones Garcia na gumawa ng 20 puntos.

Sa panig ng Utah, nanguna sa opensa ang mga bagitong bench players. Nag-ambag ng 26 puntos ang reserve na si Brice Sansabaugh, habang si Walter Clayton Jr. ay nagtala ng 20 puntos, limang rebounds, at limang assists.

Sinamantala ng Spurs ang paint area at nagtala ng 50 puntos sa ilalim, habang 40 puntos lamang ang naibalik ng Jazz.