Lumipad patungong Qatar ang mismong presidente ng Red Cross para makipagkita sa lider ng Hamas para pag-usapan ang humanitarian issues may kinalaman sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas.
Sa isang statement, inihayag ng International Committee of the Red Cross na nakipagkita si Red Cross President Mirjana Spoljaric kay Hamas chief Ismail Haniyeh at sa mga awtoridad ng estado ng Qatar sa hiwalay na pagpupulong.
Iginiit naman ng komite na ang pagbisita ng Red Cross President ay parte ng pagsisikap para makapagsagawa ng direktang diskusyon sa lahat ng panig bilang pagtalima sa international humanitarian law.
Punto pa ng international org. na ipagpapatuloy nito ang pag-apela para sa proteksiyon ng lahat ng mga biktima sa giyera at upang mapahupa ang inilarawan nitong catastrophic humanitarian situation sa Gaza strip.
Inanunsiyo ito ng Red Cross kasabay ng pinaplantsang kasunduan ng negotiators ng Qatar para sa pagpapalaya sa ilan sa 240 bihag na dinukot ng militanteng Hamas sa kanilang sorpresang pag-atake sa Israel noong Oktubre 7.
Matatandaan na isa sa tumulong ang International Committee of the Red Cross sa nagfacilitate para sa pagpapalaya sa 4 na bihag ng Hamas.










