Wala umanong binanggit si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa term limits o extension sa dinaluhang meeting ng ilang senador at mga mambabatas noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ginawa ni Senate President Vicente Sotto III ang paglilinaw ito dahil sa pagkabahala ng ilan sa isinusulong na constitutional ammendments sa Senado at House of Representatives na babago sa term limits at extension ng mga mambabatas lalo na’t nalalapit na ang 2022 elections.
Ang sinabi raw ng Presidente ay itinutulak lamang nito ang amendments sa dalawang aspeto, una ay ang partylist system at ang ikalawa naman ay ang economic provisions ng 33-year old 1987 Constitution.
Ayon umano sa punong ehekutibo ay mas makabubuti kung tatanggalin ang partylist system at palitan ito sa Saligang Batas para nang sa gayon ay maaari silang magpatawag ng constituent assemble at amyendahan ito.
Samantala, sinabi pa ng senador na halos imposible ang Charter Change dahil kung sakali ay kailangan ding palitan ang buong Konstitusyon.
Noong Disyembre 2020 ay kapwa naghain sina Senators Francis Tolentino at Ronald “Bato” Dela Rosa ng resolusyon para talakayin ng Kongreso ang “limited amendments” ng Konstitusyon.