Nagpadala ang Philippine Red Cross ng kaukulang Team para umalalay sa dumaraming pasyente na may kaso ng leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Noong biyernes, una nang iniulat na napuno ang capacity ng NKTI dahil sa paglobo ng mga pasyente. 67 sa pasiyente ang naitalang kumpirmado sa sakit na leptospirosis habang 48 naman ang naka-confine.
Kaya naman, agad na tumugon ang Red Cross at nagpadala ng 15 medical personnel para sumuporta dahil sa kakulangan sa staff ng naturang medical center.
Ayon kay PRC, Chairman at Chief Executive Officer, Richard Gordon tinitiyak niya na nakahanda ang PRC na maglagay ng mga medical tent na may mga hospital bed kapag tumaas pa ang bilang ng mga pasyente.
Samantala, bukod sa mga may kaso ng leptospirosis, nagpapagamot din sa ospital ang iba pang mga pasyente na sumasailalim sa operasyon at dumaranas ng iba pang sakit.