-- Advertisements --

Pinamamadali na ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senator Richard Gordon ang pagsama sa saliva reverse transcription-polymerase chain reaction test sa benefit package ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ikinainis kasi ito sa umano;y mabagal na pagkilos ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa kahilingan ng Red Cross na isama ang saliva test sa benefit package ng state health insurer.

Ayon sa senador, di hamak na mas mura ang saliva test na inaprubahan ng Health Department.

Hindi raw niya maintindihan kung bakit hindi pa ito kasali sa benefit package kaya dapat aniya na i-follow up ito ng DOH dahil mas mura ang mabibigay na bayad kaysa sa RT-PCR test na nagkakahalaga ng mahigit P3,000.

Hirit pa ni Gordon, wala raw sense of urgency ang mga opisyal ng DOH.

Ang lahat ng miyembro ng PhilHealth ay hindi pa nararanasan ang alok na saliva COVID-19 PCR test ng Red Cross dahil hindi pa ito kasali sa benefit package ng PhilHealth.

Inaasahan naman na aaprubahan ng DOH Health Technology Assessment Council ang approval nito sa paggamit ng publiko sa naturang test.

Sa ngayon, nagkakahalaga ng P901 hanggang P3,409 ang swab COVID test package ng PhilHealth.