Handang-handa na ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa mismong araw ng eleksyon sa darating na Lunes.
Sa pakikipagtulungan nito sa iba’t-ibang sektor ay nakahanda na sila mula sa encoding operations, volunteer management, IT and engineering, production, media, security, at general operations para sa Mayo 9, 2022.
Sa isang media conference ay ipinasilip ni PPCRV Director of Communications Angela Antonio ang tatlong palapag na arena sa loob mismo ng University of Santo Tomas (UST) na gagamitin bilang command center para sa darating na halalan.
Mahigpit din ang gagawing pagpapatupad ng seguridad dito kabilang na ang implementasyon ng health and safety protocols, pagbabawal sa pagkakalat sa loob ng arena, at pagsasailalim sa anti-gen test sa lahat ng mga mamamahayag mula sa iba’t-ibang network at gayundin ang nasa humigit-kumulang 100 mga volunteers na makikiisa dito bilang pag-iingat na rin na hindi ito maging sanhi ng pagkakahawa-hawa ng COVID-19.
Samantala, upang matiyak naman ang transparency ng mangyayaring eleksyon ay mariing susuriin ng PPCRV ang ika-apat na kopya ng election returns na kanilang matatanggap mula sa Commission on Elections (Comelec) galing sa nasa mahigit 106,000 na mga polling precinct na kanilang nakatakdang bantayan.
Patuloy naman nitong hinihikayat ang iba pang mga interesadong indibidwal na nagnanais na makiisa bilang PPCRV volunteers.
Maaring magtungo lamang sa inyong pinakamalapit na parish o bisitahin lamang ang kanilang website na ppcrv.org o ivolunteer.com.ph.
Magugunita na noong 2019 midterm elections ay nakapagtala ang PPCRV ng 99.99% na matching rate sa pagitan ng physical election returns at electronically transmitted copies na kanilang natanggap.