-- Advertisements --

Bumaba sa record-low na 9.7 porsiyento ang poverty rate sa Pilipinas noong 2025 batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority.

Katumbas ito ng tinatayang 6.5 milyong mamamayan na nakaahon mula sa kahirapan sa pagitan ng mga taong 2023 at 2025.

Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development, naabot ng bansa nang mas maaga sa inaasahang panahon ang single-digit target sa ilalim ng Philippine Development Plan.

Ipinunto ng pamunuan ng ahensiya na malaking tulong sa tagumpay na ito ang mga targeted assistance at mga inisyatibang naglalayong paliitin ang agwat sa kita ng mga mamamayan.

Naitala rin ng ahensiya ng estadistika ang pagtaas ng humigit-kumulang 22 porsiyento sa nominal income sa iba’t ibang antas ng kita mula 2023 hanggang 2025, habang nanatili lamang sa limang porsiyento ang cumulative inflation sa parehong mga taon.

Samantala, binigyang-diin ng World Bank ang kahalagahan ng pagpapanatili sa magandang takbo ng ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng de-kalidad na trabaho, inclusive growth, at mas pinalawak na social protection.

Kabilang sa mga pangunahing mungkahi nito ang pagpapalakas sa mga programa tulad ng 4Ps upang patuloy na maprotektahan ang mga mahihinang sektor at pamilya.