-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Economy and Development (ED) Council ang pagpapatupad ng bagong three-term school calendar simula School Year 2026-2027, subalit umani agad ito ng matinding pagtutol mula sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Pinamunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-apruba sa panukala ng Department of Education (DepEd) noong Marso 19.

Sa isang pahayag mula sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), inilarawan ng konseho ang nasabing reporma bilang kritikal na hakbang sa pagpapaunlad ng educations system sa bansa,

Sa ilalim ng bagong kalendaryo, papalitan ang kasalukuyang apat na academic quarters ng tatlong terms.

Layunin nitong bawasan ang abala sa klase matapos maitala ng DepEd na umabot sa 53 araw ang nawala sa School Year 2023-2024.

Magsisimula ang pasok sa pamamagitan ng limang araw na Opening Block para sa learner profiling at administrative preparations.

Susundan ito ng nasa 60-araw na instructional Block para sa tuluy-tuloy na pagtuturo. Ang mga pagdiriwang at iba pang aktibidad ay isasama na lamang sa dalawang linggong End-of-Term Block, kung saan gagawin din ang remediation para sa mga estudyante at wellness activities para sa mga guro.

Sa kabilang banda, kinondena ng ACT ang polisiya at tinawag itong isang rushed na hakbang na hindi tumutugon sa mas malalaking isyu sa edukasyon.

Ayon sa grupo, nagpapakita ito ng top-down decision-making kung saan isinasantabi ang boses ng mga guro.

Bilang depensa, nilinaw ng DepEd na dumaan ang polisiya sa serye ng konsultasyon simula pa noong Enero 2026 kasama ang mga magulang, guro, school leaders, at mga mambabatas.