Umakyat sa 14.5 percent ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) ayon sa independent group na OCTA research.
Sinabi ng OCTA Research fellow na si Dr. Guido David na ang positivity rate sa NCR ay tumaas mula sa 14.2% na iniulat noong Hulyo 23.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong napag-alamang positibo para sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri.
Sinabi niya na ang average na daily attack rate (ADAR) sa rehiyon ay nasa 7.80, habang ang reproduction number ay nasa 1.28 noong Hulyo 28.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong nahawaan ng isang kaso.
Ang reproduction number naman na mas mababa sa 1 ay nagpapahiwatig na ang transmission ng virus ay bumabagal.
Ang healthcare utilization rate (HCUR) sa NCR ay nasa 31.7% noong Hulyo 24.
Ang healthcare utilization rate ay tumutukoy sa occupancy ng isolation, ward, at intensive care unit bed, pati na rin ang paggamit ng mga mechanical ventilator.
Ito ay itinuturing na nasa kritikal na panganib kung ito ay higit sa 85%.
Sinabi ni David na ang Cagayan, Isabela, Cavite, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Aklan, Antique, at Capiz ay may positivity rate na higit sa 20%.
Nanguna sa listahan ang Capiz na may 48.8% positivity rate na sinundan ng Isabela (31.7%), Aklan (31.1%), Tarlac (33.1%), Laguna (30.6%), Cavite (26.5%), Antique (25.2%), Nueva Ecija ( 23.4%), Pampanga (25.2%), at Cagayan (20.9%).
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Huwebes ng 3,858 bagong kaso, ang pinakamataas na daily tally sa loob ng 24 na linggo, o mula noong Pebrero 10.