-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mas mainam na pakikipagugnayan at mahigpit na pakikipagtulungan upang maiwasana ng posibleng pagkapuno at pagkakaroon ng siksikan sa mga youth shelters sa gitna yan ng mahigpit na implementasyon ng enhanced curfew hours sa mga komunidad.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., layon nito na maipakita na ang implementasyon ng mga ordinansa na ito ay para protektahan ang kabataan at hindi para matabunan ang mga umiiral na sistema.

Tiniyak rin ng PNP na lahat ng mga kabataan na mahuhuli mula sa paglabag sa mga curfew hours ay makakatanggap ng tamang aruga sa mga youth shelters na ito.

Matatandaan kasi na ilang mga grupo ang humihimok kay Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na muling pagisipan ang pagpapatupad ng malawakang curfew hours dahil sa posibilidad aniya nito na humantong sa mga pangaabuso at pag-aresto.

Samantala, nilinaw naman ni Nartatez na ang pagpapatupad ng ganitong mga hakbang ay para ingatan at proteksyunan ang mga kabataan mula sa mga masasamang loob at mga sindikato at hindi para maging daan ng pagpaparusa sa mga ito.