-- Advertisements --

Mas mainam na ipaubaya na lamang sa Senado ang pag-iimbestiga sa mga aberyang naitala sa hosting ng Pilipinas ng ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda na malabong umusad sa Kamara ang naturang imbestigasyon sakaling may maghain ng resolusyon na nagpapatawag nito.

Una rito ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa si House Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Chairman Alan Peter Cayetano sa mga iimbestigahan dahil sa mga problema sa biennial event.

Magugunita na nitong weekend ay usap-usapan sa social media ang matagal na paghintay sa airport ng ilang international football teams, gayundin ang problema sa rasyon na pagkain sa ilang atleta.

Gayunman, tiwala si Salceda na magkakaroon ng pagbabago sa sentimiyento ng publiko sa opening ceremonies ng SEA Games sa darating na Nobyembre 30.

Nakita rin kasi niya paghahandang ginawa ni Speaker Cayetano at iba pang opisyal para sa SEA Games kaya masasabi raw niya na magbabago ang tono ng pananalita ng mga kritiko sa mga susunod na araw.