-- Advertisements --

Maaaring bawasan ng prosekusyon ang mga testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung sapat na ang naipakitang ebidensya upang mapatunayan ang mga artikulo ng impeachment.

Ayon kay House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, layunin nilang mapabilis ang paglilitis at maiwasan ang hindi kinakailangang pagdinig.

Aniya, hindi kailangang iharap ang lahat ng nakalistang testigo kung matibay na ang kaso.

Sa Article I, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, may nakahanda umanong 13 testigo ang prosekusyon. Ngunit maaari itong mabawasan kung sapat na ang ebidensya matapos ang testimonya ng walo o siyam na testigo.

Nilinaw din ni Chua na hindi hihina ang kaso kahit mabawasan ang mga testigo dahil mananatiling matibay ang ebidensyang ihaharap.

Dagdag pa niya, kailangan lamang makakuha ng two-thirds na boto ng Senado sa isang artikulo ng impeachment upang mahatulan ang isang impeachable official, ayon sa Konstitusyon.

Sa susunod na linggo, inaasahang haharap sa Senado ang mga state auditor na nagsuri sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd noong 2022 at 2023.