-- Advertisements --

Nabawi ng mga pwersa ng gobyerno ng Yemen ang estratehikong port city ng Mocha pati ang mga mahahalagang posisyon sa Bab al-Mandeb Strait matapos maglunsad ng malawakang counteroffensive laban sa mga Iran-aligned Houthi rebel.

Ayon sa militar ng Yemen, naglunsad din sila ng malaking offensive patungo sa kapital na Sanaa kasabay ng matinding sagupaan na nag-iwan ng maraming nasawi at nadakip sa bahagi ng mga Houthi.

Inilunsad ang operasyon sa tulong ng air support mula sa Saudi-led military coalition na nagpadala ng humigit-kumulang 100 fighter jets para pulbosin ang mga kagamitan at linya ng suplay ng mga rebelde.

Nangyari ang pagbawi matapos muling sumiklab ang labanan sa rehiyon noong Setyembre kasunod ng pag-agaw ng mga Houthi sa Mocha at iba pang mga mahalagang daanang pangkargamento.

Dahil sa panibagong pagtaas ng tensyon, nagpulong sa Saudi Arabia ang mga opisyal mula sa Turkey, Pakistan, at Saudi Arabia sa ilalim ng kanilang bagong defense pact upang talakayin ang sitwasyon sa Yemen at mga posibleng hakbang sa seguridad.