Nagpahayag ng pagkabahala si Pope Leo XIV ukol sa kalagayan ng Gaza City na kamakailan lang ay inanunsyo ng Israel ang pag-uukupa sa lungsod.
Ginawa ng Santo Papa ang pahayag matapos bumisita sa Villa Barberini sa Castel Gandolfo noong Martes ng gabi, kung saan binati niya ang ilang tao at saglit na nakipag usap sa mga mamamahayag.
Ayon kay Pope Leo, nakipag-ugnayan na siya sa lokal na komunidad at kay Fr. Gabriel Romanelli, pari ng Holy Family Catholic parish sa Gaza upang magkaroon ng solusyon para ilikas ang mga tao sa lungsod.
Sinabi rin ng Santo Papa na ang ilan sa mga Palestenian ay gusto paring manatili sa kanilang mga lupain kahit pa may banta sa kanilang seguridad.
Kinamusta rin ni Pope Leo ang nasa 450 Palestino na kasalukuyang tumutuloy sa compound ng simbahan sa gitna ng lumalakas na opensiba ng Israel.
Tungkol naman sa pahayag ng Kremlin ukol sa posibleng digmaan sa pagitan ng NATO at Russia, sinabi ng Santo Papa na hindi NATO ang nagsimula ng digmaan. Nag-aalala lang umano ang mga Polish dahil sa nilalabag na ng Russia ang kanilang airspace. Sabay sabing ”it is a very tense situation.”
Samantala, binati rin siya ng ilang mga tao ng “happy birthday” at “happy name day,” bilang paggunita sa kapistahan ni Saint Robert Bellarmine tuwing Setyembre 17.