Binatikos si Pope Francis dahil sa pagsasabi sa mga kabataang Ruso na tandaan na sila ang mga tagapagmana ng mga nakaraang Tsar tulad ni Peter the Great, na ginawang halimbawa ni President Vladimir Putin para bigyang-katwiran ang pagsalakay nito sa Ukraine.
Ginawa ng Santo Papa ang kanyang komento sa isang live video address sa kabataang Katoliko na nagtipon sa St. Petersburg.
Binasa niya ang kanyang inihandang talumpati sa Espanyol ngunit sa huli, lumipat sa impromptu Italian at sinabing, huwag kalimutan ng mga batang ruso ang pagmamana.
Aniya ang mga ito ay tagapagmana ng dakilang Russia: ang dakilang Russia ng mga santo, ng mga hari, ang dakilang Russia ni Peter the Great, ni Catherine II, ang dakilang imperyo ng Russia, na may napakaraming kultura, at napakaraming sangkatauhan.
Inilabas naman ng Vatican ang text ng naturang address ngunit hindi isinama ang huling, improvised paragraph.
Samantala, ang video naman ng santo papa habang ginagawa ang mga naturang komento ay nai-post ng religious websites.