Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa gobyerno na gamitin na ang pondo sa ilalim ng Assistance to Nationals Fund para matulungan ang mga Pinoy na naiipit ngayon sa giyera sa pagitan ng Israel at Palestinian Islamist Group na “Hamas”.
Hinikayat ni Zubiri na sa pagkakataong mayroong ganitong kaguluhan ay gamitin na ng buo ang nasabing pondo para sa mga Pilipinong apektado ng girian.
Nanawagan ang Senate President sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at sa ibang ahensya ng gobyerno na iligtas ang lahat ng mga Pilipino doon at tiyakin ang ligtas nilang pag-alis o pagtawid mula sa mga bayan ng Israel na malapit sa Gaza strip na inatake ng grupong Hamas.
Samantala, patuloy naman ang pangangalap ng impormasyon at pagmomonitor ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa ating mga kababayan na naninirahan ngayon sa Israel.
Batay sa nakuhang impormasyon ni Villanueva, ilan sa mga Pilipino na malapit sa border ng Gaza strip ay nananatili ngayon sa mga bomb shelters bagamat ligtas ay hindi basta makatawid dahil ilang village ang kontrolado ng Hamas group.
Inihambing pa ng ilang Pinoy sa Marawi siege ang karahasan na ginawa ng Hamas sa Israel.