-- Advertisements --
image 267

Nakasama sa panukalang pambansang pondo para sa 2024 ang pondo para sa pagpapatupad ng planong rightsizing ng pamahalaan na una ng pinuna ng mambabatas na posibleng mawalan ng trabaho ang mga empleyado ng gobyerno.

Nakumpirma ito ni House Deputy Minority Leader France Castro mula kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa pagsisimula ng deliberasyon ng pondo sa House Appropeiations Committee nitong araw ng Huwebes.

Ayon kay Sec. Pangandaman, sa ilalim ng pension at gratuity fund para sa 2024 National Expenditure Program, may nakalaang P142.365 billion para sa pension habang para sa pagreretiro naman ng mga empleyado, gratuity at terminal leave ay nasa P108.5 billion at mayroon ding P2.3 billion nakalaan para sa iba pa.

Dito, kinuwestiyon naman ni Castro ang tila malaking halaga at tinanong kung ito ay inilaan para sa rightsizing plan ng pamahalaan.

Kinumpirma naman ni Pangandaman na bulto ng pagtaas ay inilaan para sa pagbabayad ng retirement at terminal leave benefits ng mga empleyado ng gobyerno na optional na magreretiro sa 2024 at inilakip din ang posibleng requirements para sa rightsizing reform ng pamahalaan lalo na para sa kanilang separation benefits at iba pang retirement gratuity at terminal leave deficiencies.

Matatandaan na ang panukalang government rightsizing law ay prayoridad ng pamahalaan.

Sa botong 292–3-0, naaprubhan sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara ang House Bill 7240 o ang panukalang National Government Rightsizing Act noong buwan ng Marso.

Layunin nito na ma-streamline ang mga ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng regularisasyon, pagsasama, pagsasaayos, pagbuwag o kaya naman ay paglilipat ng mga ahensiya ng gobyerno para makalikha ng mas episyenteng burukrasiya.

Top