Pondo para sa Housing program ng pamahalaan, pinatitiyak
Pinasisiguro ni House Assistant Majority Leader Julienne “Jamjam” Baronda ang pagkakaroon ng sapat na pondo para sa programa ng pamahalaan sa pabahay para sa 2020.
Sa unang araw ng budget briefing ng Kamara, iginiit ni Baronda na aabot sa 1.5 million ang bilang ng mga informal settlers sa bansa noong 2011.
Aabot naman aniya sa 5.7 million ang housing backlog mula 2011 hanggang 2016.
Para mapunan ang backlog na ito, kailangan ayon kay Baronda na makapagtayo ng 2,602 housing units kada araw sa susunod na anim na taon.
Pinuna rin nito sa kanyang naging pagtatanong ang tila bumababang alokasyon para sa housing program ng gobyerno mula P11.61 Billion nung 2017, 7.5 billion sa 2018 at 5.5 billion sa 2019.
Subalit pinasinungalingan ito ni Acting Budget Sec. Wendel Avisado at iginiit na tumaas naman ang pondo para sa Housing and Community Amenities (HCA) sector.
Sa katunayan aniya, mula P6.296 billion noong 2018 ay nadagdagan pa ito ng P8 billion sa 2020.