Nababahala ang presidente ng isang senior citizens coalition na mahihirapan ang pamahalaan sa paghanap ng pagkukuhanan ng pondo sa panukala sa Senado na i-extend ang cash gifts sa mga nakatatanda na may edad na 80 at 90.
Sinabi ni dating Rep. Godofredo Arquiza, ang presidente sa ngayon ng Coalition of Associations of Senior Citizens, na bagama’t suportado niya ang panukalang inihain ni Sen. Bong Revilla Jr., nababahala naman daw siya kung saan kukunin ng gobyerno ang pondo para rito.
Nabatid na sa ilalim ng Senate Bill 295, nais ni Revilla na maagang ma-enjoy ng mga nakatatanda ang ibinibigay na P100,000 kumpara sa kasalukuyang age requirement na 100 sa ilalim ng existing na batas.
Nakasaad sa Republic Act 10868 na bibigyan ng P100,000 ang mga Pilipinong aabot sa 100 ang edad.
Pero batay sa statistics, maraming mga senior citizens ang hindi na umaabot pa sa naturang edad.
Kaya naman sa panukala ni Revilla, ang mga nakatatandang may edad na 80 ay bibigyan na ng P25,000 cash gift.
Karagdagang P25,000 ang ibibigay sa mga ito sa oras na umabot sila ng 90.
Ang balanseng P50,000 ay ibibigay sa isang senior citizen kapag umabot na ito sa 100.
Ayon sa Department of Budget and Management, humigit kumulang P19.8 billion ang kakailangan sa oras na maipasa ang naturang panukala at maging ganap na batas.