-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacanang na walang pondo ng bayan ang nalustay sa ika-93 kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos noong Sabado, July2, 2022.

Sa press briefing, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na hindi magmamalabis si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kung ano ang itinatakda ng batas.

Sinabi pa ni Angeles na tatalima ang Pangulo kung ano ang nakasaad sa batas.

Nitong weekend ay naglabasan sa social media ang mga larawan at video ng sosyalan sa Malacanang kaugnay ng kaarawan ng dating first lady gayundin ng ilang billboard ng larawan nito.

Umani ito ng mga batikos at pangamba na posibleng muling pagkabuhay ng kinahihiligang party ng pamilya Marcos.

Ayon kay Angeles, hindi naman ang Malacanang o anumang tanggapan ng gobyerno ang naglagay ng billboard kaya walang dahilan para sila magkomento hinggil dito.

Giit pa ng kalihim, magsasalita lamang sila o magbibigay ng pahayag hingil sa official policy, issuance o pahayag ng pangulo.

Matatandaang nagdiwang ng ika-93 na kaarawan si Mrs. Marcos sa Rizal Hall ng palasyo, kung saan karaniwang ginagawa ang mga state visit at official functions ng pangulo ng bansa.