Kinondena na rin ni US Secretary of State Mike Pompeo ang pagpapatupad ng China sa national security law sa Hong Kong.
Ito’y dahil na rin sa pangamba na baka madamay ang kalayaan ng mga American nationals na kasalukuyang naninirahan sa naturang lungsod.
Ayon kay Pompeo. malinaw umano itong paglabag sa karapatan ng bawat mamamayan ng Hong Kong upang ipahayag ang kanilang saloobin sa mga pagbabago na kahaharapin ng kanilang rehiyon.
Dagdag pa nito, ang long-arm jurisdiction ng bagong batas ay posible ring gamitin upang kasuhan ang sinomang mag-aaklas sa labas ng Hong Kong.
Noong Martes, Hunyo 30, nang tuluyang aprubahan ng National People’s Congress Standing Committee sa China ang national security law sa Hong Kong sa kabila ng posibilidad na magdulot ito ng panibagong kaguluhan sa teritoryo.
Ang bagong panukala na ito ay naglalaman ng apat na criminal acts na magsisilbing banta sa national security law — secession, subversion, terorismo at pakikipagsabwatan sa foreign o external forces.
“The United States is deeply concerned about the law’s sweeping provisions and the safety of everyone living in the territory, including Americans,” saad ni Pompeo.
Nakasaad din sa batas ang matitinding parusa na naghihintay sa mga indibidwal na susubukang sirain o guluhin ang mga pampublikong transportasyon dahil isa na itong terrorist activity. Ang sinomang mahuhuli ay maaaring humarap sa habang buhay na pagkakakulong.
“Article 38 of the new law also purports to apply to offenses committed outside of Hong Kong by nonresidents of Hong Kong, and this likely includes Americans. This is outrageous and an affront to all nations,” dagdag ni Pompeo.