Tatlong high-value individuals (HVI) ang naaresto matapos umiwas sa isang checkpoint at habulin ng mga awtoridad sa Barangay Rio Hondo, Zamboanga City nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 9 (SOU-9), ang mga suspek ay nakilalang sina Wang Yu (53), John Michael (27), at Alshareif (41) — mga alyas lamang.
Sinabi ng SOU-9 na bandang alas-7:47 ng umaga, nagsagawa ng intelligence-driven checkpoint operation ang ahensya.
Tumakas umano ang mga suspek kaya’t agad silang sinundan at naaresto sa isang hot pursuit operation.
Narekober mula sa mga suspek ang tinatayang 89 kilo ng hinihinalang shabu na nakapaloob sa mga tea bag at coffee pack, kasama ang isang multi-purpose vehicle, isang tricycle, at apat na ice chest.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, nalulungkot siya na ginagamit ang lungsod bilang destinasyon ng malalaking shipment ng ilegal na droga.
Dagdag pa rito, dalawang malalaking drug operation din ang naitala noong Agosto 19 kung saan tinatayang P455.6 million halaga ng shabu ang nasabat sa Barangay Bunguiao, at P27.2 milyon naman sa Barangay Canelar, kung saan isa ring HVI ang nahuli.