Nakipagkita si US Secretary of State Mike Pompeo kay Nathan Law, prominenteng pro-democracy activist sa Hong Kong, na tumakas sa nasabing rehiyon makaraang ipatupad ang national security law sa lungsod.
Umalis ng Hong Kong si Law noong Hulyo 3 bilang protesta sa bagong batas ng China kung saan mahigpit na ipagbabawal ang kahit anong aktibidad laban sa gobyerno.
Napagdesisyunan ni Law na ipagpatuloy na lamang sa Britanya ang kaniyang pakikipaglaban para sa demokrasya ng Hong Kong.
Una nang inasahan ni Pompeo na magiging “eye-opener” ang kaniyang pakikipagpulong kay Law.
Ang pagkikita ng dalawa ay pinaniniwalaang parte ng ginagawang hakbang ng US government upang bantayan ang ginagawang pag-kontrol ng China sa kalayaan ng Hong Kong.
Noong nakaraang linggo ay nilagdaan na ni UPresident Donald Trump ang executive order na naglalayong wakasan ang preferential trade agreement nito sa naturang Chinese territory.