LA UNION – Patuloy na umaani ngayon ng papuri mula sa kanyang mga kabaro at netizens ang isang policewoman sa La Union matapos nitong tulungan ang isang misis na manganak na inabutan sa daan.
Si Patrolwoman Lyanne Queen Karganilla, ay kasalukuyang Assistant sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng San Juan Police Station.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay Karganilla, sinabi nitong huminto ang sinakyang jeep ng mag-asawang Nalam sa kanilang himpilan para humingi ng tulong dahil hindi na umano mapigilan ng misis na manganak.
Kahit walang karanasan si Karganilla sa pagpapaanak ay hindi ito nag-atubili na tulongan ang misis.
Ang pangambang naramdaman ng batang pulis habang tinutulongan sa pag-ere ng misis ay agad napalitan ng saya, nang matagumpay na iniluwal ng misis ang isang babaeng sanggol.
Agad ding dinala ang mag-ina sa ospital para mabigyan ng karampatang pagsusuri.
Si Patrolwoman Karganilla ay tatlong taon pa lamang sa serbisyo.
Ang misis naman na tinulongan nito nakilala sa pangalang ay Annabelle Nalam, 26-anyos ng Brgy. Catdongan, San Juan, La Union.