Nagbabala ang bagong talagang National Capital Region Police Office (NRPO) director B/Gen. Vicente Danao sa mga pasaway na pulis o mga police scalawags na magbago na at huwag ng hintayin na sila ay mahuli dahil gagawin nito ang lahat para mapanagot ang mga ito sa kanilang kasalanan.
Mensahe ito ni Danao, matapos pormal ng itinalaga sa pwesto bilang pinuno ng NCRPO.
Sinabi ni Danao, istrikto nitong ipatutupad ang kaniyang programa na “OPLAN LITIS” ang ibig sabihin nito “linisin o litisin ang tiwalag o iskalawag” na miyembro ng hanay ng kapulisan.
Giit ni Danao hindi siya mangingimi na litisin ang mga ito na nagbibigay dungis sa imahe ng PNP organization.
Binalaan din nito ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade na ngayon pa lamang tigilan na ang kanilang maling ginagawa dahil mas palalakasin pa nito ang kampanya sa iligal na droga na siyang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Para mapanatili ang peace and order sa kalakhang Maynila, siniguro ni Danao ang police visibility lalo na sa mga lugar na madalas na may insidente ng krimen na naitatala.
“We will be implementing yung 12 hours duty. Yung dati din naman implementation eversince and siguro we will just make some adjustments on the time kung kailan magkakaroon ng shifting but definitely we will flood the streets with PNP in order to secure our community. ‘Yong mga tumatakas at medyo matigas ang ulo they will be dealt with accordingly,” pahayag pa ni Danao.