-- Advertisements --

Inatasan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga police commanders sa Metro Manila na paigtingin ang police visibility sa mga pampublikong pasyalan.

Ito’y sa gitna ng pagbubukas ng mga tourist spot at restaurants sa pinaluwag na quarantine restrictions sa ilalim ng alert level 4.

Una nang binuksan na ang Rizal Park sa publiko pero pinahintulutan ng Department of Tourism (DOT) ang hanggang 500 katao lang ang makakapasok sa loob ng isang araw.

Ilan ding pasyalan sa Intramuros ang nagbukas na pero limitado lang ang oras.

Ayon kay Eleazar, ang presensya ng mga pulis sa mga lugar na ito ay magsisilbing paalala sa mga mamamayan na palaging sumunod sa mga ipinapairal na Minimum Public Health Safety protocols.

Binilinan din ni Eleazar ang mga pulis na laging maging magalang sa pagsita ng mga violators.

Hinimok naman ni PNP chief ang mga business establishments na maging masusi sa pag-check ng vaccination cards ng kanilang mga customer.