Sinuspendi ng Philippine Olympic Committee (POC) ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) dahil sa ginawang panggigipit kay Pinoy pole vaulter EJ Obiena.
Sinabi ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino na nabigo ang PATAFA na gampanan ang kanilang trabaho bilang National Sports Association (NSA).
Nakasaad aniya sa konstitusyon na maaaring suspendihin ng POC ng kahit na anumang dahilan ang anumang sports organization.
Nagpapakita aniya na sinadya ng PATAFA ang pagbalewala ng prinsipyo sa pagpromote ng sports developments.
Dagdag pa ni Tolentino na kahit na gumawa na sila ng hakbang para mag-meditiate sa alitan ng PATAFA at Obiena ay nanaig pa rin ang pride ng PATAFA.
Maaari lamang na matanggal ang 90-day suspension kapag naaayos na ang gusot sa pagitan ng PATAFA at kay Obiena.
Magugunitang tinanggal ng PATAFA si Obiena sa opisyal ng listahan ng mga manlalaro na sasabak sa 31st SEA Games sa Hanoi Vietnam ganun din ang hindi nila pag-endorso sa World Indoor championships.