-- Advertisements --

Isususpinde ng Philippine National Railways o PNR ang operasyon nito sa Metro Manila simula March 28.

Magtatagal ang tigil-operasyon sa loob ng limang taon upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North South Commuter Railway o NSCR.

Ayon kay Department of Transportation Secretary Jaime Bautista, ang pag-suspinde ng biyaheng Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang ay para masiguro rin ang kaligtasan ng mga pasahero habang ginagawa ang extension ng tren.

Ang NSCR ay 147-kilometer rail line na inaasahang paiikliin ng dalawang oras ang biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna.

Sa oras na matapos, inaasahan na aabot sa 800,000 na mga pasahero ang isasakay ng tren kada araw.

Inanunsiyo rin ng PNR na inaasahang magsisimula ang istasyon ng Clark hanggang West Valenzuela sa katapusan ng taong 2027.

Para masaklolohan ang mga apektadong pasahero, magkakaroon daw ang DOTr at LTFRB ng alternative bus routes.

Magpapatuloy naman ang operasyon ng PNR sa Southern Luzon.