Mananatili sa kaniyang pwesto si PNPA director C/Supt. Joseph Adnol sa kabila ng pagputok ng pinakahuling iskandalo na kinasasangkutan ng mga kadete.
Ayon kay PNP chief D/Gen. Oscar Albayalde, magpapatuloy ang panunungkulan ni Adnol hanggang sa maibalik ang pamamahala ng PNPA sa PNP kasama ang PNPTI.
Magugunitang inalok na rin ni Adnol ang kanyang resignation kay dating PNP Chief Ronald Dela Rosa matapos ang nangyaring insidente ng pambubugbog ng mga lowerclassmen sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation ceremony noong Marso ng taong ito, pero tinanggihan ito ni Dela Rosa.
Sa pinakahuling iskandalo, tatlong upperclassmen naman ang na-involve sa isang insidente noong October 6, 2018 kung saan inutusan umano na gumawa ng kalaswaan ang dalawang nakababatang kadete o plebo habang nanonood ang tatlong upperclassmen.
Sinabi kahapon ng PNP chief na bagamat wala pang nakarating na pormal na report sa kanya, ay ipinagutos na niya sa DIDM ang pag-iimbestiga sa mga kadeteng sangkot.
Ayon sa PNP chief matagal na niyang naririnig ang mga “rumors†ng sexual na pang-aabuso sa PNPA, pero ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na mga kadete ang itinuturong salarin.
Tiniyak naman ni Albayalde na tatanggalin sa akademya ang mga involved na kadete kung mapatunayang may sala ang mga ito.










