-- Advertisements --

Tinukoy ng Philippine National Police (PNP) ang local terrorist group na syang nasa likod sa pagsabog sa isang bus sa North Cotobato kahapon na ikinasawi ng isang katao at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen Brandi Usana, lumalabas na extortion ang motibo sa krimen ng local organized crime group na Al Khobar.
Dahil dito, inatasan ni PNP Chief Police General Debold Sinas ang investigative units ng Police Regional Office 12 na tumulong sa local police para mabigyang linaw ang krimen na naganap kahapon sa waiting shed sa Barangay Sibsib, Tulunan, North Cotabato.
Base sa report, Improvised Explosive Device ang ginamit.
Bago umano kasi nangyari ang pagsabog ay may tawag mula sa nagpakilalang tagapagsalita ng Al Khobar Group ang nanghhihingi ng pera sa Yellow Bus Line at nagbanta ng IED attack.
Kasamang nasawi kahapon ang isang fruit vendor na si Gina Paunon.
Kinilala naman ang nasugatan na sina Ryan Panibayo, Lorester Hilbero at Kenneth Grace Alarin.
Samantala, nagkaroon naman ng blast trauma matapos masaktan ang tatlong iba sa lugar na sina Edwardo Odango, Kent Lloyd Senadero at Rodel Secur.
Naglunsad na ng manhunt operation ang PNP laban sa Al Khobar group.