-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na hindi maapektuhan ang operasyon ng PNP sa halalan kung magkakaroon man ng pagpapalit ng kanilang liderato.

Ang pahayag ay ginawa ni Fajardo kaugnay ng napipintong pagreretiro sa serbisyo ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos sa May 8, isang araw bago ang halalan sa May 9.

Sinabi ni Fajardo, nakalatag na ang lahat ng paghahanda ng PNP para sa eleksiyon.

Ibig sabihin 100 percent ng handa ang PNP sa pagbibigay seguridad sa araw ng halalan.

Kaugnay naman ng ispekulasyon na mae-extend ang termino ni Gen. Carlos, binigyang diin ni Fajardo, na tanging ang pangulo ang magdedesisyon ukol dito.

Sinabi ni Fajardo, bilang isang propesyunal na organisasyon, susunod sila sa anumang desisyon ng pangulo, at tuloy tuloy lang ang kanilang trabaho sinuman ang nakaupong PNP chief.

Sa panig naman ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos, na kaniya ng inaabangan ang kaniyang retirement sa darating na May 8, 2022.

Inaasahan ni Carlos na boboto siya bilang isang pribadong indibidwal sa Mayo 9.

Ito’y matapos ng kanyang pagreretiro sa serbisyo sa Mayo 8, na kanyang ika-56 na kaarawan.

Kaugnay ng posibleng pagpapalawig ng kanyang termino bilang PNP chief dahil sa sobrang dikit ng kanyang pagreretiro sa eleksyon, sinabi ni Carlos na kung may utos “awtomatiko” raw ang trabaho sa kanya.

Pero meron na aniya siyang plano para sa kanyang “civilian career” pagkatapos ng kanyang serbisyo sa PNP.

Gayunpaman, sinabi ni Carlos na bilang miyembro ng unipormadong hanay, susundin niya ang anumang utos na galing sa itaas.