Patuloy ang imbestigasyon na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagpatay sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, habang sinusuri ng mga awtoridad ang iba’t ibang posibleng motibo sa likod ng krimen.
Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Allan Rae Co, tinitingnan ng mga imbestigador ang iba’t ibang aspeto sa pamumuhay ni Lipata, kabilang na ang kanyang pagiging content creator, mga ginagawang aktibidad, political leanings, negosyo, at maski ang pribadong buhay nito.
Sinabi rin ni Co na walang isinasantabing posibilidad ang mga awtoridad sa paghahanap ng motibo sa insidente.
Si Lipata isang bilang isang content creator na nakilala sa kanyang mga komentaryo tungkol sa politika at mga isyung panlipunan.
Napatay siya matapos pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa labas ng kanyang bahay sa Barangay 171, Caloocan City, madaling-araw noong Hulyo 17.
Kaugnay nito bumuo na ang Northern Police District (NPD) ng Special Investigation Task Group (SITG) “MIMA” upang pangunahan ang imbestigasyon sa kaso.
Tumanggi naman si Co na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa progreso ng imbestigasyon upang hindi makompromiso ang isinasagawang pagtugis sa mga suspek.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, kararating lamang nina Lipata at kanyang partner sa kanilang tahanan sakay ng kotse nang lapitan sila ng dalawang hindi pa nakikilalang armadong lalaki. Binaril si Lipata nang malapitan habang pababa siya ng sasakyan.
Idineklarang dead on arival si Lipata, habang sugatan naman ang kanyang partner.
Sa kanyang mga social media platform, kilala si ”Mima Alicia” bilang tagasuporta ng administrasyong Marcos Jr. at kritiko ni Vice President Sara Duterte.















